Isang mainit na kape, iyan palagi ang gusto ni Daddy sa tuwing uuwi siya galing ng opisina. Ako ang nagtitimpla 'nun para sa kanya. Ako ang magmamasahe sa kanya, maghuhubad ng sapatos at medyas niya. Maghahain ng pagkain sa mesa. At gagawa ng ilan niyang mga paperworks kung kaya kong gawin.
Lalo pa't ngayong nasa abroad na si Mommy. Sino pa ba ang aasahan ni Daddy kundi ako. Tanging kami na lang sa bahay, kami na lang muna ang magtutulungan at magdadamayan.
Hindi naman ganun kalungkot na wala si Mommy. Nagagawa rin naming magliwaliw ni Daddy, at magsaya. Paborito namin ang boxing at sports news. Nagkakasundo kaming lalo sa mga ganoong bagay.
At ngayong 18 years old na ako, mas naging maluwag na sa akin si Daddy. Pinapayagan niya na rin akong magbarkada. Kung minsan pa nga ay dinadala ko ang mga tropa ko sa bahay at nag-iinuman kami kasama siya. Gustong-gusto siya ng mga barkada ko dahil kalog si Daddy kapag nalalasing.

